MANILA, Philippines – Tanging “less than five or ten percent” na lamang ng corals sa Pag-asa Island at low islands o reefs nito, ang buhay, ayon sa marine scientist mula sa University of the Philippines (UP).
Ani Professor Jonathan Anticamara, batay sa kanilang scientific survey sa Sandy Cay 1, 2, at 3 sa Pag-asa Island na isinagawa noong Marso, napag-alaman na karamihan sa mga coral ay patay na o durog na.
“Overall na findings ko – kung titingnan natin ang representative pictures ng transect natin. Most ng lugar dito, marami ang basag na corals, marami na ang patay na corals. Maliliit na lang ang buhay na corals. Yung mga corals dati na malalaki sila, karamihan sa kanila patay na,” ani Anticamara.
“Overall, degraded talaga ang condition. Tingin ko nga, less than 5 percent or less than 10 percent na lang yung buhay na corals na makikita dito sa Pag-asa Island tsaka sa pag-asa cays. ‘Yun ang major na nakita ko which was unexpected para sa akin,” dagdag pa niya.
Sa kabila nito, mayroon pa ring matinding branching ng live corals sa gilid ng Pag-asa Island.
“Ang corals ay kaya niyang mabuhay forever almost. Kaya nilang lumaki nang todo kung hindi sila pinapatay… Magdidikit lang sila ng sarili nila na bago dikit dikit. Overtime. So halos immortal ang corals kung hindi sila pinapatay,” pagbabahagi ni Anticamara.
Posibleng dahil sa polusyon at climate change kaya namamatay ang corals.
“Ang pagkamatay ng corals ngayon ay malakawan. Simula Zambales hanggang Escoda. Extensively patay. Pag ganoon ang pagkamatay ng corals, hindi yun ma-attribute sa localized disturbance tulad ng presence ng barko. Posible yun na malawakang rason tulad ng climate change.”
“Mas mataas ang probability na ang rason ng pagkamatay ay dahil sa climate,” pagtatapos niya. RNT/JGC