Home NATIONWIDE 90% ng P103.5B health emergency allowance bayad na

90% ng P103.5B health emergency allowance bayad na

MANILA, Philippines- Nasa 90 porsyento na ang nabayaran mula sa kabuuang obligasyon ng Health Emergency Allowance (HEA) na P103.5 bilyon, kasunod ng desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ganap na pondohan ang natitirang P27.3 bilyon ngayong taon.

Sinabi ng Department of Health (DOH) na nabayaran na ang nasa 14.5 milyong claims sa health workers na nagsilbi noong kasagsagan ng COVID-19.

Noong Abril ng taong ito, nakapagtala ang DOH ng humigit-kumulang P23.4 bilyong halaga ng mga obligasyon ng HEA para sa 4.3 milyong claim na hindi mabayaran dahil sa limitasyon sa badyet.

Matapos iproseso at pagbigyan ng DOH ang mga apela, tumaas ang bilang na ito sa P27.3 bilyon.

Sinabi ng DOH na ang surplus fund balance o labis na bayad na ibinalik ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pambansang pamahalaan ay nagbigay ng cash na kailangan.

Dahil dito, agad na naglabas ng Special Allotment Release Order (SARO) ang Department of Budget and Management (DBM) para matupad ng DOH ang obligasyon.

Noong Setyembre 20 ngayong taon, 64 porsyento ng karagdagang P27.3 bilyon ang naibigay na.

Ang mga pasilidad sa kalusugan ay naging key players sa huling pagbabayad ng HEA sa mga manggagawang pangkalusugan mismo, sabi ng DOH. Jocelyn Tabangcura-Domenden