MANILA, Philippines- Hinimok na ang mga Pilipino sa Lebanon na ikonsidera na lisanin na ang foreign country habang available pa ang commercial flights.
Ipinalabas ng Philippine Embassy sa Lebanon ang nasabing abiso kasunod ng “unprecedented explosions of beepers” sa Lebanon noong Setyembre 17 at 18, nagresulta ng pagkasawi ng 11 katao habang sugatan naman ang 2,800 indibidwal.
“The Philippine Embassy strongly urges all Filipino nationals to consider leaving the country while commercial flights are still available,” ang sinabi ng Philippine Embassy sa mga mamamayang Pilipino na kasalukuyang nakatira sa Lebanon.
“Your safety and well-being are of utmost priority. Those who intend to remain for any reason are advised to exercise extreme caution and remain in contact with the Embassy,” dagdag na wika nito.
Pinayuhan naman ng Embahada ang mga Pilipino na tiyakin na ang lahat ng mga mahahalagang dokumento gaya ng pasaporte at iqamas ay nakahanda at sinabihang mahigpit na i-monitor ang local at international news.
Pinayuhan din ang mga ito na magkaroon ng kamalayan sa kanilang kapaligiran at iwasan ang lahat ng demonstrasyon at malalaking pagtitipon.
“Everyone is reminded to stay in touch with the Philippine Embassy in Lebanon and the Migrant Workers Office (MWO-Lebanon) for voluntary repatriation and to update their status,” ang sinabi pa rin ng embahada.
Hinikayat din ang mga Filipino na magrehistro sa pamamagitan ng https://tinyurl.com/2024Repatriation para sa repatriation at kontakin ang Embahada sa Lebanon o Migrant Workers Office (MWO-Lebanon) via Embassy ATN hotline (para sa mga permanenteng residente): 70 858 086 o Migrant Workers Office hotline (para sa lahat ng mga manggagawa): 79 110 729.
“The Philippine Embassy understands that this may be a challenging time, and we are here to support you throughout this process. Your prompt action is crucial to ensure your safety and well-being,” ayon sa embahada.
Samantala, sinabi naman ng embahada na maraming nangyaring pagsabog sa southern suburbs ng Beirut, South Lebanon, at Bekaa Valley. Kris Jose