MANILA, Philippines – Kinondena ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang insidente ng hit-and-run kung saan binangga ng isang puting SUV ang isang pulis ng Highway Patrol Group (HPG) sa South Luzon Expressway noong Sabado ng umaga.
Sa dashcam video ng HPG, makikitang nasa kaliwang linya ang motorsiklong pulis nang biglang salpukin ng mabilis at pasuray-suray na SUV. Tumilapon at ilang beses na gumulong ang motorsiklo, ngunit nakatayo pa rin ang pulis at naitabi ang ibang sasakyan upang maiwasan ang karagdagang aksidente.
Matapos ang insidente, tumakas ang driver ng SUV nang hindi humihinto.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan, lubhang nakababahala ang pangyayari dahil nalagay sa panganib hindi lamang ang pulis kundi pati na rin ang ibang motorista.
Hinimok ng komisyon ang HPG na agad matukoy ang driver at magsampa ng kaukulang kaso gamit ang lahat ng ebidensiya tulad ng CCTV, dashcam footage, at testimonya ng mga saksi.
“Dapat managot ang may gawa sa buong bigat ng batas. Walang lusot. Walang espesyal na pagtrato,” ayon sa NAPOLCOM
Samantala, ayon kay Markus Lacanilao ng Land Transportation Office (LTO), maglalabas sila ng show cause order laban sa driver kapag natukoy na ito.
“Kasi itong driver na ito ‘yung hindi dapat nagmamaneho… Kita natin talagang over-speeding na tapos on purpose pa niyang binangga yung HPG,” ani Lacanilao.
Dagdag niya, maaaring maalarma ang sasakyan, hindi mairehistro o maibenta, at posibleng ma-impound. Sususpindihin din ang lisensya ng driver nang 90 araw habang iniimbestigahan ang kaso, na maaari pang humantong sa tuluyang pagbawi ng lisensya. RNT/MND