MANILA, Philippines- Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na titiyakin niya na accessible ang medical care para sa bawat Pilipino.
Inulit ng Pangulo ang kanyang “strong commitment” na iprayoridad ang healthcare system sa Pilipinas.
“Number one talaga, number one para sa akin sa priority na ginagawa ng pamahalaan ‘yung healthcare,” ang sinabi ng Pangulo sa kanyang pinakabagong vlog, bilang tugon sa komento mula sa isang netizen hinggil sa regalo niyang “Zero Billing.”
Matatandaang noong kanyang kaarawan, Setyembre 13, ipinag-utos ng Chief Executive sa Department of Health (DOH) na bayaran ang lahat ng gastusin ng lahat ng inpatient, outpatient, at emergency services sa 22 public hospitals sa buong bansa sa pamamagitan ng “Zero Billing.”
Sinabi ng isang netizen na si Adrianne Bianca na dapat na iprayoridad ng gobyerno ang kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng Universal Healthcare. Sinabi nito na ang “Zero Billing” ay malaking tulong at dapat na ipatupad araw-araw.
Tanggap naman ni Pangulong Marcos ang sentimyento ni Bianca sabay sabing hindi dapat na maging kampante ang pamahalaan sa pagsusulong ng isang globally competitive healthcare system para sa mga Pilipino, lalo na iyong mga underprivileged.
Ang naging tugon naman nito sa netizen na si Alicarl Limas Apolinaria, pinasalamatan ang Pangulo para sa pagsisikap nito, inilarawan ang “Zero Billing” bilang isang band-aid solution na hangad din nya (Pangulo) ang araw-araw na pagpapatupad ng Zero Billing.
“Maraming, maraming pangangailangan ang bawat isang Pilipino at ginagawa naming lahat… kahit papano… Hindi natin mabubuo lahat ‘yan ngunit gagawin naming ‘yan lahat para talagang malaking bawas sa bigat na dala,” aniya pa rin.
Nagdiwang ang Pangulo ng kanyang kaarawan noong Setyembre 13 sa pamamagitan ng pagpapatupad ng “Zero Billing” sa 22 public hospitals sa bansa at pinalawak ang serbisyo ng pamahalaan at financial assistance sa mga magsasaka at mangingisda, bukod sa iba pa. Kris Jose