MANILA, Philippines- Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga magulang o guardian na pabakunahan ang mga maliliit o sanggol pa nilang anak.
Layon nito na maprotektahan ang kanilang mga anak laban sa vaccine-preventable diseases gaya ng pertussis, polio, at tigdas.
Sa isang vlog, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagbibigay ng abot-kaya at accessible healthcare services sa mga Pilipino lalo na sa mga bata.
Sinabi pa ng Pangulo na naglunsad ang Department of Health (DOH) ng isang vaccination drive, target na bakunahan ang mga bata sa kanilang unang 12 buwan.
“Tulungan niyo kami…kasi minsan ‘yung iba ayaw magpabakuna dahil natatakot sila baka hindi maganda ang bakuna, baka mas lalong masaktan ang bata. Hindi po. Lahat itong binibigay naming bakuna, tested po ito at ilang taon na ginagamit ‘yan,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Kung meron kayong mga sanggol o maliliit na bata, dalhin niyo po. Meron na tayong vaccination program at ang pinakauna talaga na tinutulungan natin ay ‘yung first 12 months ng bata,” dagdag na wika nito.
Sa kabilang dako, layon ng DOH na kumpletong mabakunahan ang 95% mga batang Pilipino laban sa vaccine-preventable diseases.
Sa nakalipas na taon, nagpakita ang immunization campaign ng gobyerno ng improvement, kung saan, sa wakas ay nakalabas na ang Pilipinas sa listahan ng top 20 countries na may most “zero-dose” children.
Ang pakahulugan kasi ng World Health Organization (WHO) sa “zero-dose” na mga bata ay iyong hindi kailanman nabakunahana ang mga bata ng kahit na anumang bakuna, iyong “lack access to or are never reached by routine immunization services.”
Samantala, ang batang ganap na nabakunahan ay iyong nakatanggap ng isang dose ng bacille Calmette-Guérin (BCG) vaccine para sa tuberculosis; tatlong dose ng oral polio vaccine (OPV); tatlong dose ng diphtheria, tetanus, pertussis, Hib, at Hepatitis B (pentavalent) vaccine; at dalawang dose ng measles, mumps, and rubella (MMR) vaccine.
Nakatakda namang ikasa ng DOH ang nationwide school vaccination program na tinawag na “Bakuna-Eskwela” sa darating na Oktubre 7, pinalawig nito ang National Immunization Program (NIP).
Sinabi naman ni Health Secretary Ted Herbosa, lubos na suportado ni Pangulong Marcos ang NIP dahil nadagdagan ang budget nito at naging P2.3 bilyon para pondohan ang vaccine acquisition at administration sa buong bansa. Kris Jose