MANILA, Philippines- Maaring tumagal ng dalawa hanggang tatlong buwan ang pagkukumpuni ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) dahil sa pinsalang idinulot dito ng mga barko ng China habang binabantayan ang Escoda Shoal.
Kasalukuyang nakadaong ang barko sa Danao, Cebu matapos bumalik mula Escoda Shoal para sa pagkukumpuni.
Ang pinsala ay matapos sadyain ng mga sasakyang pandagat ng China Coast Guard at ng Chinese maritime militia na banggain ang barko ng PCG habang ito ay nagpapatrolya sa pinag-aagawang tubig sa West Philippine Sea.
Ayon sa PCG, hindi gagastos ang gobyerno ng pondo para sa pagpapaayos ng Japanese-made Magbanua.
“The ship is still under warranty from Mitsubishi so they will be doing the repairs…and our local shipbuilders in Danao will be undertaking the repair,” sabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Arman Balilo.
Sumasailalim din sa pagsasaayos sa Cebu ang dalawang mas maliit na Coast Guard patrol vessels, ang BRP Bagacay at BRP Cape Engaño na nasira rin ng mga barko ng China sa Escoda Shoal noong Agosto 19. Jocelyn Tabangcura-Domenden