MANILA, Philippines- Sinampahan na ng Bureau of Customs (BOC) ng pormal na reklamo ang may-ari at tripulante ng dalawang fuel tanker na sangkot umano sa ilegal na paglilipat ng gasolina o “paihi” scheme sa Navotas Fish Port.
Nabatid sa BOC na siyam na miyembro ng crew ng MT Tritrust at 16 na tripulante ng MT Mega Ensoleillee ay nahaharap sa kaso dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), National Internal Revenue Code (NIRC), at Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law).
Nakasaad sa affidavit na ang mga tripulante ng dalawang barko ay nahuli “in flagrante delicto (in the act of)” pagpupuslit ng unmarked fuel.
“Clearly, the respondents were engaged in the illegal transportation of undocumented fuel given the results of the fuel marking testing, which resulted in FAIL results and their failure to present a Withdrawal Certificate and other pertinent documents evidencing fuel marking and payment of correct duties and taxes for the fuel in their possession,” batay sa inihaing affidavit.
Base sa isinagawang imbentaryo ng diesel fuel, sinabi ng BOC-Customs Intelligence and Investigation Services BOC-CIIS na ang MT Tritrust ay naglalaman ng humigit-kumulang 320,463 litro ng diesel fuel habang ang MT Mega Ensoleillee ay mayroong 39,884 litro sa barko.
Ayon kay BOC-CIIS Director Verne Enciso, umaabot sa sa P20.35 milyong unmarked fuel ang natagpuan sa dalawang fuel tanker kung saan ang MT Tritrust ay nagkakahalaga ng P245 milyon at ang MT Mega Ensoleilee sa P450 milyon.
Nabatid na may kabuuang halaga ng gasolina at dalawang fuel tanker na natagpuan ng BOC ay umabot sa P715,350,000.
Napag-alaman din ng mga awtoridad na walang bunkering permit ang dalawang barko sa kabila ng pananatili ng mga ito sa Navotas Fish Port.
Batay pa sa registration documents, ang dalawang barko ay pag-aari ng Megapower Petroleum and Shipping Corporation.
Sinabi ni Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy na isasampa rin ang mga kaukulang kaso laban sa mga direktor, corporate officer, at responsableng opisyal ng Megapower Petroleum. JAY Reyes