Home METRO 97 pamilya nasunugan sa Batangas City

97 pamilya nasunugan sa Batangas City

BATANGAS CITY- Nawalan ng tahanan ang nasa 97 pamilya matapos lamunin ng apoy ang kanilang mga bahay, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Sa report ng Police Regional Office 4-A, bandang alas-11:30 ng gabi nagsimula ang sunog sa bahay ng isang vendor na si Adjimnana Looc, 38, may-asawa at residente ng Sitio Badjaoan, Barangay Malitam, ng nasabing lungsod.

Ayon sa Batangas City-Bureau of Fire Protection, umakyat sa ikalawang alarma ang sunog dakong alas-12:17 ng madaling araw at idineklara itong under control bandang alas-12:21 ng madaling araw. Dahil gawa lamang sa light materials ang kabahayan ay tuluyang natupok ang mga ito na may lawak na 800 square meter.

Idineklara naman fire out ang sunog bandang alas-2:15 ng madaling araw at wala nang naiulat na nasaktan o nasawi sa nasabing sunog na patuloy na inaalam ang pinagmulan. Mary Anne Sapico