Pasay City, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang dalawang abandonadong parcel na naglalaman ng 469 Ecstasy (MDMA) tablets na may tinatayang halagang ₱797,300.00 sa isang interdiction operation sa Central Mail Exchange Center (CMEC) noong Enero 31, 2025.
Pinangunahan ng NAIA-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang operasyon, kasama ang PDEA NCR, Bureau of Customs – CAIDTF, PNP Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, at National Bureau of Investigation (NBI).
Ang mga ipinadalang parcel mula Dublin, Ireland ay maling idineklarang “skin care products” at naka-consign sa dalawang indibidwal sa Biñan, Laguna. Walang nahuling suspek, ngunit iniimbestigahan na ang mga consignee upang matukoy kung sila ay tunay na recipient o bahagi ng sindikato ng droga.
Ang mga ebidensya ay isinailalim na sa pagsusuri ng PDEA Laboratory Service, at isinampa ang kaso alinsunod sa Section 4, Article II ng RA 9165. Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng mga awtoridad laban sa pagpasok ng iligal na droga sa bansa. RNT