Home NATIONWIDE Abogado na lumustay sa P60M na pondo ng kliyente dinisbar

Abogado na lumustay sa P60M na pondo ng kliyente dinisbar

MANILA, Philippines – Dahil hindi maipaliwanag kung saan napunta ang higit P60 milyong halaga ng pondo ng kanyang mga kliyente, isang abogado ang na-disbar ng Korte Suprema.

Sa isang Desisyon ng Supreme Court En Banc, tinanggal nito ang lisensya sa pagka-abogado ni Atty. Demosthenes S. Tecson (Tecson) dahil sa gross misconduct at sa paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA).

Si Tecson ay kinuha bilang abogado nina Mamerta C. Lizada, Benito Cuizon, Abelardo Cuizon, at Enrique Quizon (Petitioners) sa kasong expropriation sa Regional Trial Court (RTC).

Nagpasiya ang RTC pabor sa kanila at ginawaran sila ng kompensasyon sa halagang PHP 134 milyon. Si Tecson ang personal na tumanggap ng mga pondo sa ngalan ng kanyang mga kliyente ngunit P53 milyon lang ang kanyang naibigay sa kanila, at tinago ang natitira bilang attorney’s fees at para diumano sa kampanya pagka-senador ni dating Justice Secretary Leila de Lima.

Nagsampa ang Petitioners ng kasong administratibo para ipa-disbar si Tecson.

Pinagtibay ng Korte ang mga natuklasan at mga rekomendasyon ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na nagsabing nilabag ni Tecson ang kanyang tungkulin at katapatan sa batas sa ilalim ng Canon III ng CPRA. Inirekomenda ng IBP ang kanyang disbarment.

Sa ilalim ng Canon III ng CPRA, inaatasan ang mga abogado na itaguyod ang Konstitusyon at mga batas, tumulong sa pangangasiwa ng hustisya, at itaguyod ang interes ng kanilang mga kliyente.

Kasama sa tungkulin ng katapatan sa batas ang obligasyon ang maayos at agarang pag-account ng pondo o ari-arian ng kliyente, ang paggamit nito sa tamang layunin, at ang agarang pagsasauli ng anumang hindi nagamit na pondo.

Kung nabigo ang isang abogado na pamahalaan ang pera ng isang kliyente nang maayos sa kasagsagan o matapos ang kanilang lawyer-client relationship, ito ay itinuturing na misappropriation.

Kung hindi ibinalik ng abogado ang pera kapag hiningi, ipinapagpapalagay na ginamit niya ang mga pondo para sa kanilang sariling kapakinabangan, na labag sa tiwala ng kliyente.

Sa kasong ito, sinabi ng Korte na hindi napabulaanan ni Tecson ang palagay na ito. Hindi rin suportado ng ebidensiya ang kanyang paliwanag na ang hindi naibalik na pera ay ginamit para bayaran ang isang “PR man” para pabilisin ang kaso. Teresa Tavares