Home OPINION 1986 EDSA PEOPLE POWER AT KAWATAN

1986 EDSA PEOPLE POWER AT KAWATAN

SA mga araw na ito, pinag-aawayan ang 1986 People Power.

Lalo na ngayong inihayag ni Pangulong Bongbong Marcos na special working holiday lang ang pag-alaala sa kaganapang ito, 39 taon na ang nakaraan.

Ayon sa mga kritiko ni Marcos, hindi dapat special working holiday kundi special day o higit pa ang turing dito dahil naging mahalaga ang pangyayari sa pagbabago ng pamahalaan mula sa isang diktadura sa demokrasya o kalayaan at higit pa, dito ipinakita ng mga mamamayan ang kanilang higit na kapangyarihan kaysa sinomang lider ng bansa.

Sa paghahayag ni Marcos na special working holiday, pinababa umano nito ang halaga ng okasyon.

SPECIAL WORKING DAY VS SPECIAL DAY

Sa kabuuan, sa ilalim ng special working day, pwede mong kalimutan ang EDSA People Power at ituon mo ang iyong oras o pagpapagod sa ibang mga bagay gaya ng trabaho o pagnenegosyo.

Walang mag-oobliga sa iyo na dumalo sa pagtitipon para sa anibersaryo at wala kang parusa kund hindi ka dumalo.

Sa special day, hindi ka naman mapipilit na magtrabaho pero maaaring may mag-obliga sa iyo na walang iisipin kundi ang pangyayari o kaya’y dumalo sa pagtitipon.

Sa katunayan, may mga Katolikong eskwelahan na ang nagsabing magsasara sila at may bilin na dumalo ang mga pupwedeng dumalo.

Ito’y para magkaroon umano ng kamalayan ang mga kabataang mag-aaral ukol sa halaga ng makasaysayang pangyayari na sa ngayon ay wala o kulang na kulang umano, kaya binabangaw ang anibersaryo.

MAGNANAKAW PINALITAN NG BAGONG MAGNANAKAW

Matapos ang nasabing People Power, sinabi ni namayapa nang Ombudsman Aniano Desierto na may P13 trilyong ninakaw umano ng mga Marcos at mga crony nito sa pamahalaan.

Pero marami sa mga kaso rito ang pinawalang-saysay ng Sandiganbayan at Supreme Court habang may matatagumpay ding iba.

Pero lumitaw ang mga bagong magnanakaw o kawatan naman gaya ng pinararatangan noon na “Kamag-anak Incorporated” bagaman hindi naging korap si ex-President Cory Aquino.

Sumunod tinawag noon ni Senator Ernie Maceda na mother of all scams, ang PEA-Amari deal, Centennial Exposition Project at pinagnakawan ang lahat ng Pilipino sa mahal na kuryente sa pagkakaroon ng Electric Power Industry Reform Act.

Nilikha noon ni Pres. Cory ang Countrywide Development Fund na naging Priority Development Fund sa kalaunan at dito kinorap umano ng maraming kongresman at senador ang kabang-bayan sa pagkakaroon ng parte ang isa’t isa sa halagang P70 milyon para sa kongresman at P200M mula sa taunanng pambansang badyet para sa kanya-kanyang proyekto.

Idineklara CDF-PDAF ng Supreme Court na labag sa 1986 Konstitusyon, kasama ang P378 bilyong Disbursement Acceleration Program.

Pati impeachment ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona, tila pinagkakitaan din ng mga mambabatas, ayon kay Sen. Jinggoy Estrada.

Kapag pinagsama-sama lahat ng mga nakaw na yaman dito, hindi kaya mas malaki sa P13 trilyon?

Tanong: Hindi alam ng mga kabataang estudyante ang 1986 People Power kaya wala silang pakialam sa kasaysayan nito o alam nilang pinalitan lang ng mga bagong magnanakaw ang noo’y pinaratangan nilang mga magnanakaw kaya wala silang paki?