Home OPINION NASAAN ANG ‘BAGO’?

NASAAN ANG ‘BAGO’?

ISA sa mga kandidatong senador ngayong halalan na arangkada na rin sa pangangampanya ay si Camille Villar, anak ni dating House Speaker, dating Senate President at talunang 2010 ‘presidential candidate, Manny Villar at dating Congresswoman at ngayon ay senador, Cynthia Villar.

Nakababatang kapatid din si Camille ni ex-congressman, ex-DPWH secretary at ngayon ay senador, Mark Villar.

Sa ating “pagsipat,” tila gustong “tapatan” ng mga Villar ang mga Estrada at Cayetano na ang mga pamilya ay “nagkumpulan” sa Senado– naging senador si Dra. Loi Estrada at hanggang ngayon ay senador sina Jinggoy at JV Ejercito.

Matapos maging senador si Renato ‘Companero’ Cayetano, senador pa rin hanggang ngayon ang kanyang mga anak na si Pia at Alan Peter.

Kaya marahil ay “inilinya” rin ng pamilya Villar si Camille para sundan ang mga “yapak” ng kanyang ina, tatay at kuya sa Mataas na Kapulungan ng Senado?

Maraming botante at mga miron tuloy ang nagtataka (peksman) kung bakit ang ‘slogan’ at mensahe ni Camille– na pumalit sa kanyang ina bilang kongresista ng Las Pinas– ngayong eleksyon kung bakit dapat siyang ibotong senador ay dahil siya raw ay “bago.”

Huh?! Hindi kaya isa itong panlilinlang, ehek, pambobola sa mga botante at sa publiko?

Kailan pa naging “bago” ang isang kandidato na galing sa angkan ng mga “trapo” (traditional politicians) na hanggang ngayon, dekada na ang binilang, ay “naghaharing pamilya” pa rin sa Las Piñas, aber?

Sino kayang may matabang utak sa ‘political advisers’ at ‘strategists’ ng kanilang angkan ang nakakumbinsi sa kanila na “ilako”ang imahe ni Rep. Camille na siya ay isang “bagong kandidato” na magdadala ng mga pagbabago sa Senado?