Home OPINION DEFENSIVE DRIVING TRAINING VS. ROAD CRASHES

DEFENSIVE DRIVING TRAINING VS. ROAD CRASHES

ISANG malaking karuwagan para sa mga driver at motorcycle rider ang pag-aaral ng defensive driving course para masiguro ang kaligtasan habang nagmamaneho ng anomang sasakyan.

Sa defensive driving, malaki ang posibilidad na mapababa ang panganib sa pagmamaneho. Isa itong kurso kung saan itinuturo ang mga pamantayan sa driving na nakabase sa best practices at sa government regulation katulad nang ipinatutupad ng Land Transportation Office sa ating bansa.

Unang-unang requirement ang pagkakaroon ng valid student driver’s license o regular na lisensya. Dagdag pa rito na dapat dokumentado ang minamanehong sasakyan.

Kabilang sa itinuturo ang masamang epekto ng drunk driving. Totoo namang hindi nagiging normal ang human senses kapag lasing ang isang tao.

Base sa RA 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, kapag napatunayang lumabag ang isang driver, maaaring siyang makulong ng hanggang tatlong buwan at pagmumultahin ng aabot sa P20K-P80K. Bukod pa rito ang pagkumpiska sa kanyang driving license. Mas mabigat pa ang parusa kung nagdulot ang paglabag ng physical injury o kamatayan. Kaya dear readers, makinig sa kasabihang “do not drink and drive.”

Mahalaga ring isaalang-alang ang basic rules sa pagmamaneho. Aba, hindi maaaring gawing laruan ang sasakyan lalo na ang motorsiklo dahil maaaring maging buhay ang kapalit katulad ng nag-ala-superman sa MARILAQUE. Kailangan ding maging istrikto ang driver sa kanyang mga pasahero. Malaking bagay ang paniniguro na nakasuot ng seatbelt ang kanyang mga kasama.

Kabilang sa training ang pag-aaral sa mga road safety sign na nakapaskil sa mga kalsada. Proteksyon ito para sa pakurbang lugar, blindspot, road construction, open manhole at iba pa.

Matututo rin pati mga motorcycle driver sa kursong ito. Dito nila maiintindihan ang kahalagahan ng tamang pagsusuot ng helmet, pagsunod sa speed limit at pag-iwas sa pagdikit at pagsingit sa mga sasakyan lalo na sa malalaking truck.

Itinuturo din ang emergency plan kung sakaling may aksidente, pagsasagawa ng regular na inspeksyon at pagsunod sa schedule ng preventive maintenance service.

Kaya para maiwasan ang anomang aksidente sa daan, mag-aral muna ng defensive driving.