MANILA, Philippines- Inihayag ni Senator Mark Villar nitong Huwebes na mayroong “safeguards” laban sa mga opisyal at empleyado na magtatangkang gamitin ang Maharlika Investment Fund (MIF) sa katiwalian.
Sa panayam, ipinaliwanag ni Villar, principal author ng MIF bill sa Senado, na ang regular laws sa graft, malversation, at plunder ay akma sa MIF, na may karagdagang administrative fines laban sa mga lalabag.
“Lahat ng laws ay applicable sa Maharlika tapos dinagdagan pa namin ng additional administrative fines. So, dinagdagan pa namin ‘yung parusa ‘pag may mga instances ng kung anuman kung malversation up to plunder,” anang mambabatas.
“Mabigat talaga ang parusa. Kasama na ‘yan sa bill, sa mga safeguards na nilagay namin na meron talagang mabigat na parusa ‘pag may mga officers o mga employees na gumawa ng kalokohan,” patuloy niya.
Inaprubahan ng Senado nitong Miyerkules ang ang panukalang nagsusulong na magtalaga ng sovereign wealth fund.
S aparehong araw, sa bicameral conference committee meeting, ini-adopt ng House of Representatives ang Senate version ng Maharlika bill.
Nang tanungin kung kailan lalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala kung sakali, sinabi ni Villar na malalaman ang desisyon “very soon.”
“Ayaw ko naman i-preempt ang President. Of course, alam naman natin na syempre pabor siya sa Maharlika bill. I don’t want to preempt. I cannot speak for the President. Hintayin na lang natin ‘yung decision ni President,” aniya.
Base sa panukala, lilikhain ang MIF sa pamamagitan ng pondo mula sa:
Land Bank of the Philippines (LBP): P50 billion
Development Bank of the Philippines (DBP): P25 billion
National Government: P50 billion
Samantala, magmumula naman ang kontribusyon ng national government sa mga sumusunod:
Total declared dividends NG Bangko Sentral ng Pilipinas
Bahagi ng national government sa kita ng PAGCOR
Properties, real and personal na tinukoy ng DOF-Privatization and Management Office
Iba pang source gaya ng royalties and/or special assessments