NUEVA VIZCAYA- TINATAYANG aabot sa P1M halaga ng kahoy na Narra ang nasamsam ng mga awtoridad matapos maharang sa checkpoint, iniulat kaninang umaga sa bayan ng Aritao.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Rodel Ganab, negosyante, tubong Ilocos Sur, Eliseo Inicio, 45-anyos, driver, at Mark Alvin Elpos, 31-anyos, helper, kapwa residente ng Baliuag Bulacan.
Ayon kay PMAJ Roderick Rabago, hepe ng Aritao Municipal Police Station, naharang ang mga suspek na sakay ng closed van sa Brgy. Calitlitan, ng nasabing bayan.
Nakuha sa mga suspek ang 69 na piraso ng narra na tinatayang higit sa 1,800 board feet at nagkakahalaga ng aabot sa P1M.
Sinabi ni Rabago, galing sa lalawigan ng Apayao ang mga nilagaring kahoy na narra na dadalhin sana sa Taytay, Rizal.
Dinala naman ng mga awtoridad ang mga iligal na kahoy sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa karampatang disposisyon.
Habang nahaharap naman sa kasong paglabag sa Forestry Code of the Philippines ang mga suspek./Mary Anne Sapico