MANILA, Philippines – Patay ang drayber at sugatan naman ang 11 nitong pasahero makaraang mawalan ng kontrol ang minamaneho nitong sasakyan at bumangga sa isang dump truck sa Silang, Cavite.
Iniulat ng Region 4A police na ang nasawing drayber ay kinilalang si Kenneth Macahipay kung saan minamaneho nito ang isang Hyundai H-100 light truck na may sakay na 11 pasahero, nang mawalan ito ng kontrol habang binabagtas ang Aguinaldo highway sa Barangay Biga-1.
Sa ulat, nagpagewang-gewang ang sasakyan at binagtas ang kabilang lane saka sumalpok sa paparating na dump truck na minamaneho ni Allan Joseph Velando.
Nasa ilalim na ng kustodiya ng pulisya si Velando habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa aksidente. RNT/JGC