Home NATIONWIDE 16 Pinoy na biktima ng human trafficking sa Myanmar nagpapasaklolo

16 Pinoy na biktima ng human trafficking sa Myanmar nagpapasaklolo

MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes, Hulyo 4 na mayroong 16 na Filipino na umano ay biktima ng human trafficking sa Myanmar ang nagpapasaklolo sa pamahalaan para masagip sila sa kanilang pinatatrabahuan.

Sa panayam sa radyo, ipinaliwanag ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Eduardo de Vega na ang mga legal na nagtatrabaho sa Myanmar ay nasa mga lugar na hindi kontrolado ng mga rebelde, habang ang ilang OFW na hindi dokumentado at pinagtatrabaho bilang scammer ay nasa mga magugulong lugar.

“Sino ang mga Pilipino na nandoon so conflicted areas? Hindi ito legal na mga workers. Ito ‘yung nabalitaan niyo mga six months na na mga trafficking victims na pinapangakuan ng magandang trabaho sa Thailand tapos ang bagsak pala nila kung saan saan,” pahayag ni De Vega.

Aniya, nakapagpauwi na sila ng 143 Filipino na mga biktima ng human trafficking mula Myanmar.

Idinagdag pa niya na nasa 30 hanggang 40 hindi dokumentadong OFW ang nananatil isa Myanmar, ngunit 16 lamang ang desididong umuwi na sa iba’t ibang dahilan.

“Meron pang mga 16 na nakikipag-contact sa amin ang pamilya na hindi pa natin nare-rescue dahil mahirap eh dahil hawak nga ng rebel ang mga lugar do’n. Although nung nandoon ako, nangako naman ang police authorities na gagawan nila ng paraan,” ayon kay De Vega.

Kamakailan lamang ay ibinaba na ng DFA ang alert level status sa Myanmar mula Alert Level 4 patungong Alert Level 2 kung saan papayagan na ang mga OFW na may working visa na bumalik sa Myanmar.

Sa kabila nito, sa ilalim ng “restriction phase” ay tanging ang mga may umiiral na employment contracts sa nasabing bansa ang papayagan lamang na makabalik.

Mayroong 400 na OFW sa Myanmar ayon sa datos ng DFA. RNT/JGC