ILOCOS SUR- Dalawang mangingisda sa bayan ng San Esteban ng lalawigang ito ang iniulat sa himpilan ng pulisya na nawawala kahapon, Setyembre 4.
Kinilala ang dalawang mangingisda na sina Ronie Baldeviso y Bermejo, 41, may asawa at Mark Anthony Egar y Baldeviso, 27, parehong residente ng Brgy. Apatot ng naturang bayan.
Bandang 7:00 ng umaga kahapon nang magtungo sa San Esteban Municipal Police Station si Shereeryn Baldeviso y Darang, 41, asawa ni Ronie, upang humingi ng tulong na mahanap ang kanyang nawawalang mister at ang kasama nitong si Mark Anthony.
Sinabi nito na noong ala-1:00 ng madaling-araw ng Linggo, Setyembre 3, sumakay ng bangka ang kanyang mister at si Mark Anthony upang mangisda sa dagat.
Inaasahan na makakauwi o makakabalik ang dalawa ng 2:00 PM hanggang 5:00 PM ng Linggo pero hindi na nakabalik ang mga ito.
Ang bangkang sinakyan ng dalawa ay may body number na ILS-10-78 at may markings na Coline Kaezy/Ron Justine.
May taas na 5’7”, tumitimbang ng 50 kgs., fair complexion at nakasuot ng kulay gray na long sleeved-shirt si Ronie samantalang ang kasama nitong si Ronie ay may taas naman na 5’5”, tumitimbang ng 60 kgs., fair complexion, nakasuot ng kulay itim na t-shirt at kulay blue na jacket.
Patuloy ang ginagawang search operation para sa dalawang nawawalang mangingisda. Rolando S. Gamoso