MANILA, Philippines – APAT katao ang idineklarang patay at anim ang sugatan sa naganap na aksidente, matapos na magbanggaan ang tatlong sasakyan na kinabibilangan ng tricycle at Ford Ranger Raftor madaling araw ng Miyerkules, Nobyembre 1 sa kahabaan ng National Highway, Purok 2, Barangay Bucal, Calamba City, Laguna.
Kinilala ang mga nasawi na sina Gilbert Palupit 35, driver, Aileen Palupit 34, Ma. Aleisha Gale Palupit 4, at Akisha Gillen Palupit 11, samantalang sugatan naman sina Allyssa Joy Palupit 12, Ayesha Gillian Palupit 9, John Rey San Juan, driver, Myla San Juan Alorro 38, Clay John Nieto Tianzon at Alyssa Mae Pacrin Abitria driver ng Ford Ranger Raftor.
Base sa inisyal na report ng pulisya dakong alas-3:30 ng madaling-araw habang binabagtas nang Kawasaki Barako 175 na minamaneho ni John Rey San Juan at motorsiklong Honda TMX 125 na minamaneho ng nasawing si Gilbert Palupit sakay ang pamilya nito na patungo sa Barangay Pansol Calamba City, kung saan bigla umanong okupahin ng Ford Ranger Raftor na minamaneho ni Allyssa Mae Pacrin Abitria ang linya na kinaroroonan umano ng mga tricycle na humantong sa banggaan ng tatlong sasakyan na diumano ay mabilis ang takbo ng Ford Ranger Raftor.
Samantalang, pansamantalang naka-detain sa Calamba City Police Station ang driver ng Ford Ranger Raftor na si Alyssa Mae Pacrin Abitria kung saan ang mga sugatan ay ginagamot sa JP Rizal Hospital sa nasabing lungsod.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Calamba City Police Station sa naganap na insidente. Ellen Apostol