MANILA, Philippines- Iniulat ng Philippine Embassy sa Egypt nitong Lunes na walo pang Pilipino at isang Plestinian ang ligtas na nakatawid sa Rafah border mula Gaza patungong Egypt.
Sinabi ni Ambassador Ezzedin Tago na tumawid ang grupo sa Rafah border noong Dec. 2 at naglakbay ng halos 10 oras bago dumating sa Cairo nitong Dec. 3.
Idinagdag ni Tago na nakaistasyon ang team na pinamumunuan ni Vice Consul Crystal Ann Dunuan sa Egyptian side ng Rafah border para asistihan ang grupo.
Sinabi ng envoy na agad na uuwi sa Pilipinas ang nasabing grupo.
Hanggang nitong Dec. 3, 18 Pilipino na lamang ang nananatili sa war-torn enclave, base sa envoy.
Sa 137 Pilipino na nasa Gaza nang sumiklab ang giyera sa pagitan ng Israel at militant group Hamas, may kabuuang 119 ang ligtas na nakatawid patungong Egypt.
Nagsimula ang Israel-Hamas war noong Oct. 7 nang atakihin ng Hamas ang southern Israel, na kumitil sa 1,200 indibidwal at dinukot ang 200 iba pa. Naglunsad naman ang Israel ng ground offensive sa Gaza matapos maglunsad ng airstrikes.
Nasa 15,207 indibdiwal na ang nasawi at 40,652 ang sugatan bilang resulta ng Israeli attacks sa Gaza mula Oct. 7, ayon kay spokesperson Dr. Ashraf Al-Qudra para sa Hamas-controlled health ministry sa Gaza.
Iniulat ng Department of Migrant Workers na 335 overseas Filipino workers na ang napauwi mula sa Israel. Subalit, apat na Pinoy na ang nasawi mula Oct. 7. RNT/SA