MANILA, Philippines – Kasunod ng malagim na trahedya nang magbanggaan ang dalawang eroplano sa Japan, muling ipinaliwanag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang safety guidelines sa mga eroplano sa oras ng fire emergency.
Kabilang dito ang pagsisiguro na mayroong fire extinguishers sa loob ng mga eroplano.
“Walang actual na rules yan dahil iba-ibang sitwasyon naman kasi. But base na rin yan doon sa training ng mga crew, cockpit on how they will act,” ani CAAP Spokesperson Eric Apolonio.
“Unang-una, ilan ba yung kailangang buksan na emergency door in case of fire. Kailangan yung mga pasahero is dumapa. Kung mapansin mo, yung aisles, may ilaw yan. Doon sila gagapang. kasi ang usok nasa taas. Kung hindi ka bababa o luluhod, maaapektuhan yung breathing mo,” dagdag pa niya.
Dapat din na mailikas ng crew cabin members ang lahat ng mga pasahero sa loob ng 90 segundo.
“More than that, medyo magkakaroon ng problema na in case of fire sa loob ng cockpit ng aircraft,” sinabi ni Apolonio.
Inabisuhan ng CAAP chief ang publiko na iwasan ang magtulakan kung lalabas ng eroplano, sabay-sabing ang mga pasaherong nas front row ay dapat na maunang lumabas.
Pagpapatuloy, sinabi rin ni Apolonio na taon-taon dapat sinisiguro ang safety procedures ng mga airline, at may team itong naka-standby sa oras ng emergency.
Matatandaan na sa ulat ng Reuters, ligtas ang lahat ng 379 pasahero at crew ng Japan Airlines plane nang agad itong makalikas sa eroplano sa kabila ng sunog nang makabanggaan nito ang eroplano ng Japan Coast Guard sa Haneda Airport. RNT/JGC