MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Government Service Insurance System (GSIS) na ihihinto nito ang paglalabas ng Unified Multi-purpose Identification (UMID) eCard sa pagtatapos ng Mayo ngayong taon.
Batay sa memorandum na nilagdaan ni GSIS President at General Manager Jose Arnulfo A. Veloso na may petsang April 2, 2024, papalitan ng pension fund ang physical identification cards ng digital ID na makikita sa GSIS Touch mobile app.
Binigyang-diin ng GSIS Memorandum Circular No. 054-2024 na bilang bahagi ng pagbabago, kakalusin na ang three-in-one functionality ng UMID card bilang identification, ATM, at debit card.
Epektibo sa May 31, 2024, bibigyan ang mga miyembro at pensioner na mag-eenroll sa bagong sistema ng ATM cards batay sa nais nilang bangko.
Katuwang ng GSIS ang dalawang servicing banks, ang Landbank of the Philippines at Union Bank of the Philippines.
Samantala, ang GSIS members na nakarehistro na sa GSIS Touch mobile app ay ililipat sa bagong sistema, kung saan nakalagay na ang GSIS Digital ID sa kanilang GSIS Touch account. RNT/SA