MANILA, Philippines- Sinabi ng Government Service Insurance System (GSIS) nitong Huwebes na naglaan ito ng halos P2.5 bilyon para sa emergency loans para sa mga miyembro at mga pensioner na apektado ng pertussis outbreak sa Cavite, at ng El Niño phenomenon sa Occidental Mindoro.
Inihayag ng GSIS na maaaring humiram ang mga miyembrong may existing emergency loan balances ng hanggang P40,000 upang mabayaran ang balanse ng nauna nilang emergency loan, habang ang mga wala pang emergency loans ay maaaring mag-apply para sa P20,000 loan.
Magkakaroon ang loan ng 6% interest rate na babayaran sa loob ng tatlong taon. Kabilang dito ang redemption insurance coverage, na magbabayad sa loan balance sakaling bawian ng buhay ang borrower.
Maaaring mag-apply ang mga miyembro at pensioner gamit ang GSIS Touch mobile application, kung saan hanggang Mayo 7 ang aplikasyon sa Mindoro, at Hunyo 7 naman sa Cavite.
Kabilang sa mga kwalipikado para sa loan ang mga aktibong miyembo na naninirahan sa calamity areas, hindi naka-leave of absence without pay, at walang nakabinbing legal cases.
Dapat ding nakapagbayad sila ng hindi bababa sa anim na monthly premium contributions, at may net take-home pay na hindi bababa sa P5,000. Maaari ring mag-apply ang pensioners na naninirahan sa calamity areas hangga’t 25% pa rin ang kanilang net monthly pension matapos mag-avail ng loan.
Idineklara ang state of calamity sa lalawigan ng Caite noong Marso dahil sa dumaraming kaso ng whooping cough, habang isinailalim ang ilang bayan sa Mindoro sa state of calamity dahil sa El Niño. RNT/SA