MANILA, Philippines- Hiniling ng Bureau of Immigration (BI) sa Inter-Agency Committee on Foreign Students (IACFS), sa pangunguna ng Commission on Higher Education CHED), na isama sa mga pulong nito ang mga isyu na kinasasangkutan ng national security concerns sa mga dayuhang estudyante sa Pilipinas.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, hiniling niya sa CHED na magkaroon ng high-level meeting ang mga miyembro ng IACFS, kabilang ang BI, para linawin ang papel ng bawat ahensya sa pagpapahintulot sa mga dayuhan na makapag-aral sa bansa.
Aniya, nakatakdang magpulong ang IACFS ngayong Lunes, Mayo 13.
Binanggit din ni Tansingco na may concerns sa bilang ng mga Chinese national na nag-aaral sa Tuguegarao City sa lalawigan ng Cagayan kung saan tinitingnan na ngayon ng Senate at ng House of Representatives.
Batay sa rekord ng BI, sinabi ni Tansingco na may kabuuang 1,516 Chinese nationals ang nabigyan ng student visa sa Cagayan at lahat sila ay inendorso ng isang pangunahing unibersidad sa Pilipinas.
Ngunit, aniya, ang mga ulat ay nakasaad na noong Abril 2024, 485 lamang ang kasalukuyang naka-enrol na may 96 lamang sa kanila na onsite na may mga student visa.
Nagbigay din aniya ang BI ng mga datos sa student distribution sa mga miyembro ng inter-agency committee para sa mapping na gagamitin ng National Bureau of Investigation (NBI) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa kanilang mga imbestigasyon sa mga kahina-hinalang aktibidad ng mga dayuhan.
Sinabi niya na noong 2023, may kabuuang 24,189 na student visa sa iba’t ibang nasyonalidad kabilang ang sa 16,190 Chinese national na karamihan ay nasa National Capital Region.
Sinabi rin ni Tansingco na ang mga Chinese national ang bumubuo sa karamihan ng mga dayuhang estudyante sa karamihan ng mga bansa. Sa United States, mayroong 289,526 Chinese nationals na nabigyan ng student visa habang, sa Malaysia at Thailand, humigit-kumulang 130,000 at 20,000 student visa, ayon sa pagkakabanggit, ang inisyu noong 2022. JAY Reyes