MANILA, Philippines- Inaasahang matatapos sa loob ng taong ito ang pag-aaral upang tukuyin ang posibilidad ng pagtatatag ng proyekto ng Manila Bay-Pasig River-Laguna Lake Ferry (MAPALLAF) System project, sinabi ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) nitong Martes.
Inihayag ni Transpotation Assistant Secretary Leonel de Veles na ang nakikipagtulungan ang DOTr sa Public-Private Partnership (PPP) Center para itatag ang MAPALLAF.
Ang panukalang MAPALLAF ay high-capacity, high frequency, at low carbon ferry system na magkokonekta sa Manila Bay at Laguna Lake sa pamamagitan ng Pasig River.
Ayon kay de Velez, ito ay kasalukuyang pinag-aaralan at bahagi ng inisyatiba ng Pangulo at ng First Lady na pagandahin ang Ilog Pasig at gawin itong tunay na matitirahan muli, upang magkaroon ng urban development at maayos na walking space.
Ayon sa opisyal ng DOTr, makikitang matatapos ang feasibility study sa loob ng 2024.
“It’s currently ongoing, with the PPP Center. So we hope to have the study within the year,” sabi ni de Velez.
Kapag nakumpleto na ang pag-aaral, sinabi ng opisyal ng transportasyon na ang panukalang MAPALLAF ay dadaan sa serye ng government approvals bago ito makontrata sa isang pribadong kasosyo.
Sinabi niya na ang proyekto ay maaaring i-bid out sa mga interesadong partido sa susunod na taon.
Ayon pa kay De Velez, ang halaga ng proyekto ng MAPALLAF ay binubusisi pa.
Sinabi ng opisyal ng DOTr na ang pagtatatag ng MAPALLAF ay naglalayong magbigay ng alternatibong east-west transportation corridor sa National Capital Region. Jocelyn Tabangcura-Domenden