TANAUAN CITY-HIMAS-rehas ngayon ang isang 21-anyos na suspek matapos gahasain at patayin ang 16-anyos na nobya nito na gustong makipaghiwalay, noong Miyerkules, Mayo 15 sa lungsod na ito.
Nakakulong ngayon sa Tanauan City police ang suspek na itinago sa pangalan Nonoy, at nahaharap sa kasong Rape at Murder.
Batay sa report ng pulisya, bandang 11:00 PM ng matagpuan ang bangkay ng biktimang 16-anyos, sa bakanteng lote sa Soledad Park, Barangay Darasa, ng naturang lungsod.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, noong Lunes ng umaga nagpaalam ang biktima sa kanyang pamilya na aalis ito may kakatagpuin ng tao.
Subalit, kinagabihan ay hindi pa umuuwi ang biktima hanggang sa nagpunta ang suspek sa bahay ng kanyang nobya at sinabing alam niya ang kinaroroonan nito.
Pagdating sa nasabing lugar, nakita ang bangkay ng biktima na may busal sa bibig, walang saplot pang ibaba at may mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Kalaunan, inamin ng suspek ang ginawang krimen at sinabing nadala lamang siya ng galit dahil gustong makipaghiwalay sa kanya ng biktima.
Sinabi naman ng pulisya na posibleng selos ang motibo sa krimen dahil sa mga palitan ng mensahe ng dalawa sa cellphone tungkol sa isang lalaki na dalawang araw pa lamang nakilala ng biktima./Mary Anne Sapico