Home METRO Bagong laya dinirecho sa hukay ng kainuman

Bagong laya dinirecho sa hukay ng kainuman

MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki na kalalaya lamang sa kulungan nang barilin ng kapwa nito dating preso sa Tondo, Maynila.

Namatay noong din matapos na barilin sa mukha ang biktimang si Jonathan Belen y Santos, 29, nakatira sa Juan Luna St., Gagalangin, Tondo,Manila sakop ng Barangay 163.

Sa imbestigasyon ng MPD Homicide Section, nag-iinuman pa umano ang biktima at suspek na nakilala lamang sa alyas na Buboy sa kahabaan ng riles ng tren sa bahagi ng Barangay 152 alas 11:15 ng umaga kasama ang tatlong iba pa.

Sa ‘di malamang kadahilanan, naglabas ng hindi mabatid na kalibre ng baril ang suspek saka pinaputokan ang biktima sa ulo na nagresulta ng agaran nitong pagkamatay.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa di malamang direksyon bitbit ang baril na ginamit sa krimen.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)