Home NATIONWIDE DMW naghigpit sa pag-deploy sa Pinoy seafarers

DMW naghigpit sa pag-deploy sa Pinoy seafarers

146
0

MANILA, Philippines- Hindi na papayagang sumampa ang mga Pilipinong marino sa mga barko ng parehong shipowner ng mga inatakeng sasakyang pandagat na dumaraan sa Red Sea at Gulf of Aden, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) .

Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa press briefing na maaari silang magdagdag ng iba pang mga may-ari ng barko sa listahan kasunod ng pagsusuri sa mga nakaraang pag-atake sa mga barko.

Magugunitang naglabas ng alituntunin ang DMW sa licensed manning agencies (LMAs) na dapat obserbahan kung ang Filipino seafarers ay itatalaga sa mga barko na daraan sa mga lugar na may mataas na peligro at may kaguluhan.

Inatasan ng DMW ang LMAs at kanilang accredited principals o employers na unang isaalang-alang na iwasan ang pagdaan sa Red Sea, Gulf  of Aden at kalapit na teritoryo.

Dapat ding bigyan ng sapat na panahon at pagkakataon ang mga marino upang ipahiwatig ang kanilang layunin na magpatuloy sa paglalayag o tumanggi na sumakay sa barko sa nakatakdang pagdaan nito sa mga lugar na ito.

Nagbabala rin si Cacdac na may kaakibat na parusa sa mga lalabag sa direktiba.

“So they must have that aforementioned letter and there will be corresponding harsher penalties if they violate this requirement,” pahayag ni Cacdac.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Cacdac na nanatili pa ring nawawala ang isang marino ng MV Tutor matapos ang pag-atake ng Houthi rebels.

Ayon kay Cacdac, mas mahirap ang paghahanap sa nawawalang marino matapos tuluyang lumubog ang barko.

Ang MV Transworld Navigator ay binomba rin ng Houthi rebels kung saan mayroon itong 21 Filipino crew na ayon sa DMW ay pawang mga ligtas na. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here