PARA sa mga natitira pang kakarampot na bilang ng New People’s Army, wala nang iba pang dapat gawin kundi ang sumuko.
Iyan ay ‘di lamang galing sa akin, kundi sa mga opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, matapos mapaslang ang sampung miyembro ng NPA sa isang enkwentro sa Barangay Malbang Pantabangan, Nueva Ecija noong nakaraang linggo.
Sabi nga ni NTF-ELCAC Executive Director, Undersecretary Ernesto Torres Jr. walang magandang gagawin ang mga natitira pang miyembro ng CPP-NPA-NDF kundi ang sumuko at samantalahin ang Amnesty Program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tama naman ang kanyang panawagan dahil kung mananatiling lalaban ang mga natitira pang mga rebeldeng wala namang kakwenta-kwenta ang ipinaglalaban, magagaya lamang sila sa kanilang mga kasamahang napaslang sa engkwentro sa mga militar sa Nueva Ecija.
Para kay Torres, mas maganda para sa mga natitira pang miyembro ng NPA ang mag-avail ng amnesty program ng Presidente sapagkat may pagkakataon pa silang muling mapabilang sa tamang lipunan, makapiling muli ang kanilang mga pamilya at makapamuhay nang tahimik.
Aniya, ang Local Peace Engagement at Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ng pamahalaan ang mangangasiwa sa kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan.
Ang dalawang programang ito ay di lamang magbibigay ng kabuhayan, kundi ang magbabalik sa kanila sa tamang pamumuhay.
Sa mga darating pang panahon, mapababalita pa ang mga susunod na mapapatay sa mga engkwentro ng militar dahil pursigido na ang pamahalaan na tapusin ang paghahari-harian ng CPP-NPA-NDF sa mga kanayunan.
Kung ayaw niyong mapabilang sa mga mapapaslang, eh mabuti pa ngang sumuko na lang kayo.






