Home OPINION MGA DATING PULIS INIUUGNAY SA PANIBAGONG PATAYAN

MGA DATING PULIS INIUUGNAY SA PANIBAGONG PATAYAN

117
0

NAKAPANGHIHINAYANG na mga buhay — ang kahindik-hindik na pagkamatay ng beauty pageant contestant na si Geneva Lopez at ng Israeli niyang fiance na si Yitshak Cohen.

Ibinunyag ng pulisya na inihahanda na ang pagsasampa ng mga kasong murder laban sa mga dating pulis na sina Michael Guiang at Rommel Aposo, na inaresto nitong weekend dahil sa pag-iingat ng mga baril at pampasabog.

Ayon kay Major General Leo Francisco, ginamit ni Guiang na kolateral ang kanyang property para makautang kay Lopez. Pero sa halip na isuko ang ari-arian, nakipagsabwatan umano si Guiang upang patayin sina Cohen at Lopez, pinadayo sila sa Tarlac City para sa kunwaring bentahan ng nasabing property. Sa lungsod, pinagbabaril ang magkasintahan sa loob ng kanilang sasakyan na kalaunan ay sinilaban. Ang kanilang mga bangkay, na nadiskubre sa isang quarry site sa Capas, Tarlac, ay may tigdalawang tama ng bala ng baril.

Sobrang kahiya-hiya naman na ang mismong mga tao na sumumpang magpapatupad ng batas ang nasa likod nang nakapanggagalaiting krimen na iyon. Sa mga insidenteng tulad nito, nalalagay sa alanganin ang imahe ng Philippine National Police bilang breeding ground para sa mga walang pusong kriminal.

Kaya naman ang solusyon ng mga opisyal na tulad nina Philippine National Police Chief PGen. Rommel Marbil at Interior Secretary Benhur Abalos na pakilusin ang buong puwersa ng hustisya upang panagutin ang mga dating pulis na ito at kanilang mga kasabwat — dalawa sa mga ito ay pinaghahanap pa — ay kailangang maisakatuparan. Isa itong malinaw na senyales na hindi kukunsintihin ang mga ganitong pagtatraydor sa tiwala ng publiko.

Hihimayin ng Firing Line kung paanong binigyang-diin ng kasong ito ang dahilan kung bakit ang mga absent without official leave o AWOL na pulis ay hindi dapat na basta na lang pinalulusot. Ang mga pasaway na ito na basta na lang tinatalikuran ang PNP ay napatunayang matitinding banta sa kaligtasan ng publiko at ng pambansang seguridad.

Ang pagkakasangkot nina Guiang at Aposo sa kahindik-hindik na krimeng ito ay nagbibigay-diin sa agarang pangangailangan sa mas istriktong mga panuntunan: awtomatikong pagkumpiska sa inisyu sa kanilang mga baril, badges, at uniporme; masusing auditing sa mga dokumentong may access nila, at tuloy-tuloy na monitoring sa kanilang mga aktibidad.

Dapat siguruhin ng pamunuan na hindi na mangyayari muli ang ganitong pamamaslang. Ang pagbubuwis ng buhay nina Lopez at Cohen ay dapat na magbigay-daan sa reporma, kontrolin ang mga nagbibigay ng kahihiyan sa badge, na buong pagmamalaki sanang isinusuot ng mga tagapagpatupad ng batas sa bansa.

Hindi ba’t ilang buwan pa lang ang nakalipas nang madawit ang isang police major sa pagkawala ng kandidata sa Miss Grand Philippines mula Batangas na si Catherine Camilon?

Siyempre pa, ang kaso laban sa aktibong pulis ay ibinasura noong Mayo dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya. Gayunman, nakakikilabot ang pagiging pamilyar ng dalawang insidente. Ang pagbasura sa mga kaso ni Camilon ay hindi tamang magpasimula nang pangungunsinti kapag nauugnay ang mga pulis sa beauty queens, na kundi basta na lamang maglalaho ay napapatay.

Marahil para maiwasan ang ganitong mga kaso, dapat utusan ng PNP ang mga tauhan nito na umiwas sa beauty pageants at sa contestants!

                              *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here