GAMU, Isabela – Matapos na nakawan ay pinugutan pa at halos mahiwalay na ang ulo ng 72 anyos na lola sa Brgy. District 2, Gamu, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Fe Martinez, 72 anyos, negosyante, at residente ng nasabing lugar.
Labis na nagtaka umano ang mga kasamahan nito sa bahay nang hindi magising ng maaga ang biktima gaya ng nakagawian kaya’t napagpasyahan ng hipag nitong si Teresita Martinez na silipin ang bintana ng kanyang kuwarto at nagulat nga ito nang makita ang nakahandusay na katawan ng lola at tila may bakas ng dugo.
Kaagad itong humingi ng saklolo sa apo nilang si Reynaldo Guzman at nang kanilang buksan ang pinto, tumambad sa kanila ang wala nang buhay na katawan ng lola na may bakas pa ng pagkakataga sa ulo at leeg na halos mahiwalay na ito.
Nawawala umano ang halos mahigit isang milyong piso na cash at alahas ng biktima na tinangay ng hindi pa nakilalang suspek.
Teorya ng mga kamag-anak ng biktima na posibleng labas pasok lamang sa kanilang tahanan ng biktima bago naisakatuparan ang pagpatay at pagnanakaw.
Samantala, blangko pa rin ang kapulisan dahil walang na-recover na posibleng ginamit ng suspek sa pamamaslang at pagnanakaw. Rey Velasco