MANILA, Philippines – Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang panukala para sa reorganisasyon ng institusyon.
Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na nauunawaan ng police force ang mga pangamba ng Pangulo “about maintaining fairness and equality in compensation for all officers, as well as avoiding unnecessary bureaucracy and potential security risks.”
“The Philippine National Police supports the decision of President Ferdinand Marcos Jr. to veto the proposed PNP reform bill,” saad sa pahayag ng PNP nitong Biyernes, Hulyo 12.
Sa pag-veto sa panukala, sinabi ni Marcos ang posibleng pagkaantala sa pagbabayad sa mga pulis dahil sa probisyon na magpapataas sa sahod ng mga kadete ng Philippine National Police Academy na lalampas pa sa sinasahod ng police lieutenant.
Laban din sa rightsizing program ng pamahalaan ang panukalang batas dahil mayroong iba’t ibang opisina ang gagawa ng magkakaparehong tungkulin.
Ani Fajardo, makikipagtulungan sila sa Kongreso para sa mga proposal sa hinaharap upang hindi ito magkaroon ng hindi magandang epekto sa mga umiiral na polisiya.
“We assure the public and the administration that the PNP will carefully consider the President’s observations,” ani Fajardo.
“The PNP is committed to working closely with the administration and Congress to develop better legislation that strengthens the police force without any unintended drawbacks,” dagdag niya.
Si Senador Ronald dela Rosa, dating PNP chief, ang nag-isponsor sa Senate version ng na-veto na panukala.
Anang senador, nalungkot siya sa hindi pag-apruba ng Pangulo sa kanyang panukala. RNT/JGC