MANILA, Philippines – Mahigit 1,000 pamilya ang inilikas sa Zamboanga City dahil sa pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan dahil sa Habagat.
Kabilang sa mga apektadong barangay ay ang San Jose Gusu, Talisayan, San Roque, Ayala, Baliwasan, Tumaga, Pasonanca, Tetuan, at Sangali.
Kailangan pa ang profiling at assessment upang matukoy ang eksaktong bilang ng mga pamilyang apektado.
Inalerto na ang City Disaster Risk Reduction Management Office ang Emergency Operation Center nito Biyernes ng gabi, Hulyo 12 kasabay ng pagsasagawa ng rescue operations kasama ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, police at military units, at mga volunteer group sa binahang mga barangay.
Namahagi na ang City Social Welfare and Development Office ng food packs, sleeping at hygiene kits sa mga pamilya na tumutuloy sa iba’t ibang evacuation centers.
Binisita ni Mayor John Dalipe at House Majority Leader and Zamboanga City Rep. Mannix Dalipe ang mga evacuation center upang maghatid din ng hot meals at food packs sa mga biktima ng baha.
Nagtayo rin ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management Councils ng community kitchens sa mga apektadong lugar. RNT/JGC