MANILA, Philippines- Kinondena ng Philippine Embassy sa Canberra ang brutal na pagpaslang sa mag-asawang Australian (Awstralyano) at isang kamag-anak sa Tagaytay City noong Hulyo 10.
Nagpaabot naman ang Embahada at ang Philippine Consulate General sa Sydney ng kanilang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng mga biktima.
“The Philippine government condemns in the strongest terms the cowardly and senseless act that took the couple from their loved ons,” ayon sa kalatas.
“We stand in solidarity with the Australian government in our joint efforts tobring the perpetrator to justice,” dagdag pa rito.
Sa ulat, nakatali at patay na nang matagpuan ang bangkay ng tatlo katao, kabilang ang isang Australian at asawa niyang Pinay, sa isang hotel sa Tagaytay City nitong Miyerkules.
Sinasabing isang tauhan ng hotel ang nakakita sa mag-asawang biktima at manugang nilang babae.
Nakatali ang mga kamay at paa ng mga biktima at may tape sa bibig.
Nakita naman sa CCTV footage mula sa hotel na isang lalaki ang lumabas mula sa kwarto ng mga biktima, at umalis.
Nanawagan si Tagaytay Mayor Abraham Tolentino sa pulisya na hulihin agad ang salarin.
“Subalit sa ngayon, naka-focus tayo sa isa na person of interest natin, para sa ganun, siya din yung makakapagbigay ng kalinawagan sa pangyayaring ito,” ayon naman kay Tagaytay City Police chief Police Lieutenant Colonel Charles Capagcuan.
May sinusundan pa aniya silang posibleng motibo sa krimen pero hindi muna nila ito isinapubliko habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Dadalhin umano ang mga labi ng dalawang Pinay na biktima sa Mindoro, habang iuuwi sa Australia ang labi ng dayuhang biktima. Kris Jose