NAKAISANG taon na bilang regional director ng National Capital Region Police Office si PMGen Jose Melencio Nartatez Jr. at ngayon ay muli itong abala sa pagpaplano ng mga programa para sa darating na 3rd State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 22.
Noong nakaraang taon, bagaman ilang araw pa lang na naitatalagang RD ng NCRPO, matagumpay na naisakatuparan ni Nartatez ang trabaho at responsibilidad na nakaatang sa kanyang balikat kaugnay sa matahimik at matagumpay na pagbabalita ng Pangulong Marcos kaugnay sa kanyang mga plano at programang ipagkakaloob o naipagkaloob na sa mga mamamayan.
“No untoward incident” at “quiet and peaceful” ang naririnig sa handheld radios at ibinabatong balita ng mga pulis na nasa lansangan at nakaantabay sa mga kaganapan bago pa man magtungo sa Batasang Pambansa ang Pangulong Bongbong Marcos.
Hanggang natapos ang “ulat sa bayan” o SONA ni Presidente Marcos, walang nanggulong mga ralyista o mga nagpoprotesta sapagkat maayos ang ginawang koordinasyon sa kanila ni Nartatez at kanyang mga opisyal na nakatalaga sa iba’t ibang distrito sa Metro Manila.
Sa madaling salita, napaghandaan ng mga nakatalagang pulis sa NCRPO ang SONA ni PBBM noong nakaraang taon.
Ngayon kaya? Siyempre, mas lalong pagbubutihin tiyak ng team NCRPO ang kanilang pagbabantay sa mga kalsada at mga convergence point na posibleng tigilan ng mga magsasagawa ng kilos protesta sa paghahatid ng Pangulo sa kanyang ikatlong SONA.
Mas pinatitindi ng pamunuan ni Nartatez ang mga intelligence gathering kaugnay sa grupong posibleng maghasik ng karahasan kaya naman mas mahigpit ang kanyang bilin sa kanyang intelligence chief o R2 na si PCol Jess Mendez na mas pagbutihin nito at ng kanyang mga tauhan at lahat ng intelligence officers sa limang distrito ng Metro Manila ang pagbabantay upang hindi sila malusutan ng mga nagnanais na ipahiya ang Pambansang Pulisya.
Tamang pagpaplano ang susi para sa tagumpay ng mga programa ng PNP kaya nga madalas na nagpapalabas ng “guidelines” at mga paalala si Tateng, tawag kay Nartatez ng mga kaibigan at kakilala, sa kanyang mga tauhan upang magtuloy-tuloy ang tagumpay ng pagpapatupad ng pamahalaan sa kaayusan at katahimikan ng pamayanan.
Para kay Nartatez, mas lalong pagbubutihin ng PNP partikular ang NCRPO ang kanilang mandato – “To Serve and Protect” bilang paglilingkod sa komunidad at Sambayanang Pilipino.






