Home OPINION PERSONALAN NG DALAWANG SENADOR

PERSONALAN NG DALAWANG SENADOR

HINDI naman pala dapat pagtalunan nina Senators Alan Peter Cayetano at Nancy Binay ang lumobong gastusin sa pagtatayo ng bagong gusali ng Senado dahil pareho naman pala silang sablay sa numero.

Nauwi tuloy sa personalan at usapang away-pulitika ang kanilang pagbabangayan na naging dahilan din ng paghahain ng reklamo ng senadora sa Ethics Committee kahit konting pitik lang ang nabitiwang salita.

Kung tutuusin, kahiya-hiya sa taumbayan ang nangyaring iringan lalo na’t pareho silang sablay sa numero dahil taong 2021 pa pala ang kanilang pinagtatalunang lumobong halaga at ang totoo palang numero ay aabot sa P29 na bilyon, batay na rin sa ginawang pag-amin ng Department of Public Works and Highways.

Pero sa karaniwang Pilipino, napakarangya nang itinayong bagong gusali lalo na’t milyon-milyon pa rin ang naghihirap na pamilyang Pilipino na ang karamihan ay naninirahan lamang sa barong-barong. Kung nagamit sana ang bahagi nang napakalaking pondo na inilaan sa pagtatayo ng gusali tulad ng mga maayos na silid-aralan sa mga pampublikong paaralan o kaya ay sa social pensyon sa mga senior citizen na karamihan ay umaasa pa ring madagdagan ng P1,000 ang tinatanggap na pensyon, aba’y mas pupurihin pa sila ng taumbayan.

Halimbawa na ang marangyang landscaping ng gusali na gagastusan ng ₱663.2 milyon. Ano bang landscaping ‘yan? Maihahalintulad ba ‘yan sa Garden of Eden o kaya ay ng Hanging Gardens of Babylon na idineklara noon na isa sa Seven Wonders of the Ancient World? Mabuti na lang pala ay sensitibo sa mga pangangailangan ng masa ang bagong liderato ng Senado. Tama lang ang pasya ni Senate President Chiz Escudero na ihinto ang ‘di pa nasisimulang phase 3 ng proyekto upang repasuhin kung bakit umabot sa ganitong presyo.

Iba talaga kapag batikang abogado at mambabatas ang mga namumuno sa Senado, kabilang na rito si Cayetano na natalaga bilang Chairman ng Committee on Accounts na nagrerepaso ngayon sa mga mga maling proseso sa pagpapagawa ng bagong Senado.

Hindi man arkitekto o inhinyero ang senador, kitang kita naman sa mga pagdinig na talagang pinag-aralan niya kung saan maaaring pababain ang presyo sa paggawa ng gusali na hindi makokompromiso ang katatagan nito. Sa pagrepaso ng Senado sa pagtatayo ng sarili nilang tahanan, maging palatandaan sana ito ng kanilang ‘power of the purse’. Mahalaga ito dahil malapit-lapit na rin nilang pagdebatehan ang national budget para sa susunod na taon.

Ngayong nasimulan na ng mga beteranong mambabatas ang pagrerepaso ng magarbong presyo ng bagong Senado, bakit hindi rin nila simulang imbestigahan sa darating na budget deliberation ang malalaking proyekto ng gobyerno kung nasa tama nga ba ang paggastos para sa mga ito?

Saludo tayo sa bagong liderato ng Senado sa kanilang pagiging masinop pagdating sa pera ng bayan pero aantabayanan pa rin ng taumbayan kung magiging makatarungan ang magiging desisyon nila para sa bagong building ng Senado.