MANILA, Philippines – Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na imposibleng may maghain ng courtesy resignation o leave of absence sa mga opisyal ng komisyon.
Ito ang inihayag ni Garcia sa isang press conference sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Maynila nitong Miyerkules, Hulyo 17 hinggil pa rin sa mga maling paratang laban sa kanila kaugnay sa kontrata sa Miru system.
“Impossible po yan—impossible po na may magli-leave saka magcourtesy resignation o magresign sa isa mang miyembro –ano sila hilo,” pahayag ni Garcia.
Sinabi ni Garcia na ang kumakalat sa social media na panawagan para magbitiw sila sa puwesto ay gawa-gawa lamang ng mga troll farm.
Bagamat aminado ang poll chief na walang kalaban-laban sa social media lalo sa mga troll ngunit iginiit din na lalaban ang buong komisyon sa fake news.
Ayon kay Garcia, ang malinaw na mga pagtatangka para manggulo sa kanilang paghahanda para sa paparating na halalan na Pambansa at Lokal na Halalan sa 2025 at magpalaganap ng pagkawalang-tiwala ng taumbayan sa Comelec ay tinututulan ng nagkakaisang mga opisyal at kawani ng komisyon.
“Ang mga pag-atakeng ito ay naglalayong hadlangan ang aming mga pagsusumikap na pangalagaan ang proseso ng halalan,” pahayag pa ni Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden