MANILA, Philippines- Nagdulot ang malakas na pag-ulan mula sa Southwest Monsoon, pinalakas ng bagyong Carina, ng pagguho ng lupa at kawalan ng kuryente sa Baguio City.
Hanggang alas-12 ng tanghali nitong Hulyo 24, 2024, iniulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang 12 landslides, apat na insidente ng pagbagsak ng sanga ng puno, tatlong baradong drainage systems, at walong electrical issues, kabilang ang sparking wires at sumabog na transformers.
Aktibong binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Nagsagawa ng road clearing operation sa Barangay Camp 7 sa Kennon Road dahil sa mga bumagsak na bato bandang alas-10 ng umaga.
Nananatili namang sarado ang Kennon Road sa lahat ng sasakyan maliban sa mga residente ng Camp 7 at Camp 6.
Pinayuhan ang mga motorista na mag-ingat at sumunod sa safety advisories kapag bumibiyahe sa lugar.
Hinikayat ng Baguio City Police Office ang mga residente na kumuha ng impormasyon mula sa official channels para sa updates sa road conditions at safety measures. RNT/SA