MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na naharang nila ang dalawang biktima ng fake marriage scheme makaraang tangkain nilang magtungo sa bansang China sa magkahiwalay na paliparan, ang Mactan International Airport (MCIA) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Batay sa ulat ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ng BI, hinarang ng immigration officer sa MCIA nitong Hulyo 23 ang isang 23-anyos na babaeng biktima na itinago ang pangalan bilang pagsunod sa mga batas laban sa trafficking, makaraang una nitong iprisinta na papunta sa China sakay ng flight ng China Eastern Airlines para bisitahin ang umano’y asawang Chinese.
Nakapagpakita umano ito ng tunay na Philippine Statistics Agency (PSA) marriage certificate at civil registrar’s certificate, na sinasabing ikinasal sila noong Marso 2024 at isang sertipiko ng Commission on Overseas (CFO) Guidance and Counseling Program upang suportahan ang kanyang pagdeklara.
Gayunman, pinagdudahan ng mga opisyal ang kanyang mga pahayag na nagbabanggit ng maraming hindi pagkakapare-pareho sa pagitan ng kanyang mga pahayag at ng mga dokumentong ipinakita nito.
Ang babaeng biktima ay itinuro sa mga opisyal ng I-PROBES, na nag-ulat na nahirapan siyang maalala ang mga pangunahing detalye tungkol sa kanilang kasal.
Nang maglaon, inamin ng biktima na walang aktuwal na kasal, at nakumpirma ng mga opisyal na peke ang ipinakitang sertipiko ng CFO. Sinabi niya na ang lahat ng mga dokumentong ipinakita ay inayos ng umano’y asawang Tsino sa pamamagitan ng isang ahente.
Samantala, naharang ng mga opisyal ng BI sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 noong Hulyo 24 ang isa pang babaeng biktima, edad 20, na hinihinalang mail order bride, kasama ang kanyang Chinese escort.
Sa gitna ng pananalasa ng bagyong ‘Carina’, tinangka ng Chinese na tulungan ang biyahe ng Pinay na biktima sakay ng Xiamen air flight patungong Chengdu, China sa pamamagitan ng pag-aangkin na siya ang kanyang asawa.
Nagpakita rin sila ng tunay na PSA marriage certificate at nagpakita ng mga larawang iginiit na kasal sila.
Gayunman, kalaunan ay inamin ng biktima na isang fixer ang nag-ayos ng lahat ng dapat nilang dokumento ng kasal, na binayaran nila ng P45,000.
Dahil dito, umapela si Tansingco sa mga Pilipinong naengganyo na magtrabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng mail order bride scheme.
“Wala tayong nakitang mabuting resulta nito,” ani Tanisngco. “Those who were victimized end up penniless, enslaved without pay by their pseudo partners. Let us protect ourseves by making sure that we only work abroad through legal means,” dagdag pa ng opisyal.
Ang mga biktima at ang male escort ay itinurn-over sa inter-agency council against trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon. JAY Reyes