TILA sinusubok ng magsyotang vice mayors na paihi operator sa Batangas ang bagong talagang National Bureau of Investigation director na si dating Judge Jaime “Jimmy” Santiago.
Ilang araw lang kasi matapos lusubin at maisara ng NBI agents ang paihi den ng magsing-irog na bise-alkalde noong nakaraang buwan ay muli na naman itong nag-ooperate.
Ang paihi joint ng magkalaguyong lingkod bayan sa Barangay Laguille, Taal, Batangas ay lalo pang naging matindi mula nang magbukas dalawang linggo na ang nakakaraan.
Pero ang nakakapagtaka, si Taal Mayor Fulgencio ‘Pong’ Mercado at PD Col. Jack Malinao ay tila nagbubulag-bulagan sa muling pagbubukas ng paihi nang tinawag na ‘pasingaw’ lovers na ito ng Batangas.
Ang info na ibinulong sa Chokepoint, isang ex-Sgt Adlawan na nagpapakilalang over all tong collector ng Pambansang Pulisya ang nag-troubleshoot, gumawa ng paraan para mabuksan muli ang nasabing paihi den.
Si Adlawan ay lumapit umano sa isang contact sa NBI field office sa Batangas at napagkaisahang pagbigyan sina ‘pasingaw’ lovers sa kanilang hiling na buksan ang kanilang illegal business.
Walang sinabing eksaktong figure ang ating informant kundi milyones lang ang nabanggit na umano’y nagpasahan, umikot sa kamay nina Adlawan at kanyang kinausap mula sa premiere investigating body.
Ilang oras matapos ang meeting nina Adlawan at kausap na contact sa NBI ay kaagad naibalik sa kustodiya nina pasingaw lovers ang mga drum ng petroleum products na nakumpiska ng NBI agents.
Dapat sigurong silipin ni Dir. Santiago ang kaduda dudang muling pagbabalik ng lantarang paihi operation ng magkasintahang vice mayor dahil tiyak na nagkaroon ito ng ‘cash-sunduan’.
Dahil pinayagan ng NBI ang pagbubukas ng kanilang paihi operation, tuloy ang pansamantalang napurnada na nakaw na ligaya ng magsyotang ‘pasingaw’ lovers.






