NABULAGA ang mga residente ng Metro Manila at karatig na mga bayan sa CALABARZON,at iba pang lugar sa Norte kaugnay sa malawakang pagbaha na naranasan ilang araw na ang nakaraan dala ng bagyong Carina na sinabayan pa ng Habagat at high tide sa karagatan kung saan lumubog ang libo-libong mga bahay at mga kalsada.
Sino ang mag-aakalang mas malala pa sa tama ng bagyong Ondoy ang naganap na mala-delubyong paglaki ng tubig sa mga lugar na itong dulot nang walang puknat na pagbuhos ng ulan na hindi napigilan ng malalaki at malalapad na flood control sa mga ilog kung saan maging ang malalawak na mga dam ay umapaw na rin ang tubig kaya naman kailangan pakawalan ito?
Kung ang ilang maka-kalikasang grupo ang tatanungin,ito na marahil ang paniningil ng sanlibutan sa pagmamalabis ng sangkatauhan kabilang ang walang habas na pagputol ng kahoy samantalang kakarampot lang naman ang ibinabalik sa pamamagitan ng ilang punongkahoy na itinatanim sa ilang dekada nang kalbong mga kagubatan.
Idagdag pa ang kaliwa’t kanang paggiba ng mga dambuhalang kompanya sa malalawak na kabundukan mula ng largahan ng gobyerno ang open pit na pagmimina ng ginto at iba pang mineral na sadyang nagdudulot ng pagbaha bunsod sa wala nang mga puno panangga sa rumaragasang bahang mga kabahayan na ang puntirya ng tubig.
Sabihin man na nagsisilbing panangga ang mga flood control project na hinahanap na ngayon ni Senate President Chiz Escudero sa Department of Public Works and Highways dahil hindi napigilan nito ang malawakang pagbaha subalit kaya bang sagupain at harangan nito ang mala-delubyong paniningil ng kalikasan?
Ilang bilyones na pondo na naman kaya ang gagastusin ng pamahalaan upang tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang ang mga bahay ay lubog sa baha at ang unti-unti pagbangon nito mula sa nagdaang kalamidad?
Susmaryosep,sadyang malaki ang perwisyong iniiwan kapag naniningil na ang kalikasang ang nakararaming pobreng mga kababayang ang kadalasan ay tinatamaan.






