NAGING laman ng balita ang Dali convenience stores dahil sa mga reklamo ng mga mamimili dito. May iibang malaking kompanya rin ang umalma sa ilang produktong diumano ay ginagaya nito.
Pero mas nakababahala ang nadaanan kong balita na may netizen daw na nag-post na may kadiring uod ang nabili niyang frozen chicken sa isang Dali store.
Ayon sa Facebook page na Pinoy Rap Radio, may isang consumer na nag-post ng nasabing uod galing sa frozen chicken ng Dali. Sa pagsasaliksik ko sa mga ganitong kaso sa internet, napag-alaman ko na ang lystrike o myiasis, ay isang kondisyon na ang langaw ay nangingitlog sa manok, at doon napipisa ang larvae. Ang mga uod na ito ay ginagawang pagkain ang manok na tinitirhan ng mga ito.
Dahil sa nasabing post ng Pinoy Rap Radio, nagdagsaan sa comment sections ang iba-ibang hinaing ng mga naging customer ng Dali. Sabagay, matagal nang maraming nagrereklamo sa Dali Stores dahil nga sa kanilang mga mura nga subalit hindi de-kalidad na pagkain.
May isang nagsabing kaduda-duda talaga ang frozen chicken sa Dali Store dahil nakabili siya nang luma at maamoy kung kaya itinapon na lang nila kaysa ma-food poison nga naman sila. May nagsabi ring dapat mainpeksyon ang mga freezer ng nasabing convenience store dahil baka may nananahan nang maggots sa loob nito.
Gaano kaya katotoo ang mga paratang na ito? Ano man ang siste, kinakailangang tingnan talaga nang mabuti ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Food and Drug Administration, Department of Trade and Industry kundi man ay Securities and Exchange Commission, ang mga ganitong reklamo dahil hindi basta-basta ang magiging epekto nito sa kalusugan ng mga Pilipino—lalo sa mga maralitang tila target market ng ganitong klaseng convenience store.
(Note: Bukas ang column/ online page na ito upang makuha ang panig ng Dali Store kaugnay sa mga paratang na ipinupukol sa nasabing negosyo – Ed)






