MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na umabot sa kabuuang 69 na dayuhan ang pinagbawalan ng mga immigration officer sa mga paliparan na pumasok sa bansa dahil sa pagiging sex offenders mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na mas mababa ang bilang ng foreign sex offenders na tinanggihang makapasok sa unang semestre ng taon kumpara sa 84 alien sex predator na agad pinabalik sa pinagmulan nilang bansa sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Idinagdag ni Tansingco na 58 sa mga agad na pinaalis na pasahero ay registered sex offenders (RSOs) o mga taong may record ng convictions para sa sex crimes sa kani-kanilang bansa.
Aniya, ang iba ay maaaring may kinakaharap na mga nakabinbing reklamo o nasa ilalim ng imbestigasyon o pag-uusig para sa iba’t ibang mga pagkakasala sa sex.
Ayon sa BI chief, itinatadhana ng Philippine immigration act ang tahasang pagbubukod ng mga dayuhan na nahatulan ng mga krimeng may kinalaman sa moral turpitude.
Batay sa istatistika, 48 Amerikano ang nanguna sa listahan ng mga pinatalsik na nagkasala sa sex, sinundan ng apat na Briton at dalawang Australiano. Nasa listahan din ang isang German national, isang Indonesian, isang overseas British national, at isa mula sa Papua New Guinea.
Lahat sila ay inilagay sa immigration blacklist at pinagbawalan na muling pumasok sa bansa dahil sa pagiging undesirable aliens.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay naglunsad ang BI ng isang programa na tinatawag na Project #Shieldkids na naglalayong magsagawa ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga dayuhang sexual predators na nagtatangkang manatili o pumasok sa bansa. JAY Reyes