Home METRO Nanay pinatay, binaon sa septik tank ng ‘absinerong anak’ sa Bohol

Nanay pinatay, binaon sa septik tank ng ‘absinerong anak’ sa Bohol

1
0

MANILA, Philippines — Isang 15-anyos na binatilyo ang itinurong responsable sa pagkamatay ng kanyang 46-anyos na ina na natagpuan sa isang abandonadong septic tank sa Barangay Looc, Panglao, Bohol nitong Sabado, Oktubre 31.

Ayon sa Panglao Police Station, isang residente ang humingi ng tulong matapos mapansin ang maraming langaw sa paligid ng septic tank.

Nang inspeksyunin ang lugar, natagpuan sa loob nito ang bangkay ng biktima, na isang guro.

Batay sa paunang pagsusuri, nagtamo ang biktima ng traumatic head injuries at tinatayang nasawi madaling-araw ng Oktubre 31.

Sa isinagawang hot pursuit investigation, nakatuon ang imbestigasyon sa 15-anyos na anak ng biktima, na kalaunan ay umamin umano sa mga awtoridad sa kanyang ginawa.

Ayon sa pulisya, nagkaroon umano ng pagtatalo ang mag-ina matapos sitahin ng biktima ang anak dahil sa pagliban at pag-cutting classes sa paaralan.

Sinabi ng mga imbestigador na matapos ang insidente ay dinala umano ng binatilyo ang katawan ng kanyang ina sa abandonadong septic tank at tinakpan ito ng mga bato.

Narekober din ng mga awtoridad sa kanilang bahay ang isang martilyo na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Tanging ang mag-ina umano ang magkasama sa bahay bago naganap ang insidente.

Dahil menor de edad, hindi inilabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng binatilyo.

Itinuturing siyang Child in Conflict with the Law at nasa pangangalaga na ng Municipal Social Welfare and Development Office para sa kaukulang intervention at pagproseso alinsunod sa batas.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa buong pangyayari. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here