MANILA, Philippines — Muling bubuksan sa mga pasahero sa Biyernes, Nobyembre 6, ang bagong rehabilitated EDSA Busway Guadalupe Station, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Ininspeksyon nina Transportation Secretary Vince Dizon at Public Works Secretary Giovanni Lopez ang istasyon bilang bahagi ng patuloy na pagpapahusay sa mga pasilidad ng pampublikong transportasyon.
Ayon sa DOTr, iniutos din ni Dizon ang paglalagay ng maayos na palikuran, ceiling fans at karagdagang upuan sa mga EDSA Busway station para sa mas komportableng biyahe ng mga commuter.
Bahagi ang mga improvement ng koordinasyon ng DOTr at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maipagpatuloy ang mga infrastructure project habang binibigyang-prayoridad ang kapakanan ng mga pasahero.
Nauna ring ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa dalawang ahensya na unahin ang kapakanan ng commuters at gawing mas maginhawa ang kanilang araw-araw na pagbiyahe.
Samantala, pansamantalang pinayagan simula Nobyembre 2 ang mga pribadong sasakyan na dumaan sa bahagi ng EDSA Busway mula NEPA Q-Mart hanggang Boni Avenue habang nagpapatuloy ang natitirang rehabilitation works sa EDSA. Inaasahang tatagal nang humigit-kumulang dalawang linggo ang pansamantalang traffic arrangement. Santi Celario