CEBU CITY — Mahigit 100 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos masunog ang dose-dosenang bahay sa Sitio Alaska, Barangay Mambaling, Cebu City nitong Linggo ng gabi, Nobyembre 1.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Cebu City, umabot sa third alarm ang sunog at tuluyang nawasak ang 63 bahay.
Kabuuang 128 pamilya o 513 indibidwal ang naapektuhan ng insidente.
Sinabi ni SFO3 Wendell Villanueva, spokesperson ng BFP Cebu City, na karamihan sa mga bahay sa lugar ay gawa sa light materials kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Mahigit isang oras bago tuluyang nakontrol ng mga bumbero ang sunog.
Wala namang naiulat na nasugatan.
Tinatayang umabot sa P1.5 milyon ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian, batay sa paunang datos ng mga awtoridad.
Iniimbestigahan din ng BFP ang impormasyong maaaring nagsimula ang apoy mula sa nakasinding kandila na inilagay sa labas ng isang bahay bilang “halad” ngayong Undas.
Gayunman, hindi pa ito itinuturing na kumpirmadong sanhi ng sunog habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Pansamantalang nanunuluyan sa barangay evacuation center ang mga pamilyang nawalan ng bahay habang patuloy silang binibigyan ng tulong ng lokal na pamahalaan. Mary Anne Sapico