Home OPINION KILLER PAYLOADER WALANG OR/CR (PART 2)

KILLER PAYLOADER WALANG OR/CR (PART 2)

110
0

SA pagsasampa ng kaso, una, hindi tukoy ng pulis ang plate number ng killer payloader dahil wala naman itong rehistro. Sa madaling salita, walang OR at CR.

Pero, may ipinakitang delivery receipt ang general services office o GSO ng Balayan Municipality na pag-aari ng pamahalaang bayan ang killer payloader. Hindi ba dapat ay ipinarehistro ito ng pamahalaang bayan ng Balayan?

Hindi naman ang payloader na ito ay nasa motorpool lang o kaya naman ay hindi dumaraan sa mga kalsada kapag magtutungo sa mga lugar kung saan may pagawain ang munisipyo at kailangan ang sasakyang ito. Kaya nga kailangan talaga na nakarehistro ito sa Land Transportation Office at siyempre dapat ay may insurance ito upang kahit anong mangyari o aksidente ay may kakayahan itong managot.

Teka lang, bakit nga ba walang official receipt o certificate of registration ang payloader na pag-aari ng Balayan at nabili nitong administrasyon ni Mayor Emmanuel Fronda Jr. a.k.a. Mayor JR.?

May itinatago kaya sila sa pagbili ng nasabing payloader? Baka kaya ito ang dahilan kung bakit atubili ang mga pulis na mag-imbestiga at magsampa ng kaso sa nangyaring insidente sa MRF sa Barangay Malalay, Balayan, Batangas noong Hulyo 12, araw ng Biyernes alas-3 ng hapon.

Sabi pa nga ng hepe ng Balayan Police Station ay “iniimbestigahan naming mabuti ang kaso kung kaya’t kailangang tanungin ang mga nakasaksi. Hindi kami pwedeng magpadala sa ‘pressure’.”

Teka nga hepe, sino ba ang naglalagay ng pressure sa inyo? Malamang, hindi ang pamilya dahil mga pulis mo ang nagsabi na “bumalik na lang pagkatapos ng libing.” Malamang, naisip ng pamunuan ninyo na may mali sa ginawa ninyo kung kaya’t nagbago ang isip kaya sa halip na pagkatapos ng libing ay nagtungo kayo nang araw ng Linggo, Hulyo 14, para kunan ng salaysay ang nagrereklamo.

Mabalik tayo sa may itinatago ang pamahalaang bayan ng Balayan sa pagbili ng killer payloader. Ito rin kaya ang dahilan kung bakit sinasabi ng mga tauhan ng munisipyo sa pamilya ng biktimang si Manuel Bascuguin Jr. na tanggapin na lang ng maluwag sa kalooban ang pangyayari. Ano? Hahayaan na lang na nakalalaya ang may kagagawan ng pagkamatay ng biktima?

Bukod pa sa hahayaan na lang na wala nang pananagutan ang may-ari ng sasakyang kumitil ng buhay ng isang haligi ng tahanan o ama sa kanyang mga anak?

Aalamin ng Pakurot ang dahilan kung bakit walang OR/CR ang killer payloader. Abangan! (May karugtong)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here