ANO-ANONG reforestation program ba ang isinasagawa ng pamahalaan sa kasalukuyan bilang malaking hakbang na panlaban sa climate change at polusyon na nagbubunga ng masasamang panahon at mapanirang mga pagbaha, landslide at iba pa?
Ang natatandaan at alam natin, may umiiral na National Greening Program mula pa sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino na ipinagpatuloy nina dating Pangulong Digong Duterte at ngayo’y Pangulong Bongbong Marcos.
Hanggang 2028 ang target ng reforestation program na ito na bilyong sari-saring puno o piling puno ang itatanim.
MGA NAGAWA
Sa ilalim ng Aquino administration, may Executive Order Nos. 23 at 26, series of 2011 para sa programa.
Nilayon, lalo na ang EO 26, na may maitanim na 1.5 bilyong puno sa 1.5 milyong ektarya sa mga lupang gobyerno sa loob ng 6 taon mula 2011 hanggang 2016.
Pinalawig ang programa ng Executive Order No. 193 na inilabas noong Nobyembre 12, 2015 at tinawag itong Expanded NGP para maisama ang mga nakalbo nang mga lupain at maging 7.1M ektarya ang tatamnan mula 2016 hanggang 2028.
Ipinagpatuloy ng administrasyong Duterte ang programa sa pagtatanim ng 387.83M punla para sa mga latian o mangrove seedlings mula 2017 hanggang 2022, gaya ng nasa Siargao Island.
At sa ilalim ng Marcos administration, may inilaan noong 2023 na P2.39B para sa pagtatanim ng 7,249,642 punla para sa 13,565 ektarya at pagmamantine ng mga puno sa 158,843 ektarya.
Naglaan din ito ng P464.5B noong 2023 laban sa climate change
IBANG MGA BENEPISYO
Ayon sa Department of Natural Resources and Environment bilang lead agency ng programa, mahigit nang 1.8B puno ang naitanim at mahigit 2.17 milyong ektaryang natamnan at nagpapatuloy ang programang ito.
Mula 2011 hanggang 2016, nakalikha ang programa ng 3.3 milyong trabaho at naging 5.6M pagdating ng 2021.
Noong 2021 lang, may 60.4M punla ang naitanim at may 50,000 na nabigyan ng trabaho.
Bukod sa benepisyong laban sa climate change o pag-iinit ng mundo, nakalilikha pa ang programa ng libo-libo o milyong trabaho para sa mga mamamayan.
PEACE AND ORDER
Pero ang isa nating dapat na bigyang-pansin ang sinasabi ng Marcos administration na kakaunti na lang ang mga lugar na sinasakop o kinokontrol ng mga rebeldeng komunista bilang dagdag sa lumaya nang malalawak na lupain sa Kamindanaoan makaraang maitatag ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa panahon ni ex-President Duterte.
Alalahaning napakalalawak ang mga lugar, kasama ang mga kabundukan na kalbo sa logging at iba pa, na hindi matamnan ng puno dahil deklarado ang mga ito na “no man’s land” o bawal na puntahan ng mga ito dahil sa pagiging “war zones”.
Dito naglalaban-ban ang mga pulis at sundalo at mga rebelde at terorista kaya bawala pasukin ng mga sibilyan, maging ang mga gustong magtanim ng puno.
Dahil marami nang lugar ang hindi kontrol ng NPA at iba pang kalaban ng gobyerno ngayon, may tsansa nang makapagtanim ng maraming puno.
Bakit hindi natin samantalahin ang mga pagkakataong ito para sa pagtatanim ng mga puno para maging matagumpay ang NGP at malabanan ang climate change, masasamang panahon at grabeng mga pagbaha?






