Home NATIONWIDE Manila bay ‘clear’ na sa Bataan oil spill – PCG

Manila bay ‘clear’ na sa Bataan oil spill – PCG

175
0

MANILA, Philippines – Nagsagawa ng aerial at maritime surveys sa Manila Bay noong Sabado, Àgosto 3 ang mga awtoridad upang malaman ang lawak ng oil spill mula sa mga lumubog na motor tanker (MTKR) Terranova.

Base sa resulta ng dalawang survey, ‘clear’ na sa oil spill ang Manila Bay bagamat mayroon pa ring oil sheen na naobserbahan sa ‘ground zero’ sa Limay, Bataan kung saan lumubog ang MTKR Terranova noong Hulyo 25 habang lulan ang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil (IFO).

Sinabi ni PCG Commandant Adm.Ronni Gil Gavan na ang oil spill ay ‘under control’ na sa ngayon.

Kasama sa nagsagawa ng aerial survey ang mga kinatawan mula sa  PCG, Office of Civil Defense (OCD), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Samantala, ilang piling miyembro ng media ang sumakay sa barko ng PCG na BRP Suluan (MRRV-4406) upang makita ang ground zero.

Ayon kay Gavan, wala pang isang litro kada oras ang oil spill mula sa MTKR Terranova. Ang nakaplanong siphoning operations ay muling iniskedyul nang hindi bababa sa dalawang linggo.

Ito ay dahil ang nakuhang salvor, Harbour Star Shipping Services Inc., ng may-ari ng MTKR Terranova, Shogun Ships Company Inc., ay nasa proseso ng paggawa ng mga metal cap na gagamitin upang palakasin ang mga canvass-type na takip na naka-install upang takpan lahat ng 24 na tubo at balbula ng lumubog na tanker, kabilang ang ilan sa mga ito na may tumatapon ng langis.

Habang hinihintay ang pagsisimula ng siphoning operations, sinabi ni Gavan na nagpapatuloy ang containment procedures ng PCG para makontrol ang oil spill, kabilang ang paggamit ng karaniwan at katutubong oil spill booms (ginawa mula sa coconut husks at logs), at paggamit ng oil dispersant at water cannon upang masira ang langis sa mas maliliit na particle upang ito ay sumingaw o lumubog.

Samantala, sinabi ni Gavan na sinimulan na ang imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan ng may-ari ng MTKR Terranova sa oil spill na nakaapekto rin sa libu-libonh mangingisda sa Cavite at maging ang kanilang sariling tauhan kung may kapabayaan sa kanilang panig. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here